Monday, February 15, 2010

Alam Na: Mainit Lang Talaga Ngayon

Mainit, pare. Nararamdaman mo na ang tunay na panahon ng tagtuyot. Tuyo na ang natitirang tubig sa katawan, natutuyo na ang natitirang pag-asa na bumubuhay sa bawat isa.

Weh, hindi naman eh. Mainit lang talaga. Dahil ito sa Global Warming na pilit nating hindi pinapansin. Ipiniprito na tayo nang buhay ng panahon sa sarili nating mantika pero siyempre, wala parin tayong ginagawa. Marami pa nga namang mas mahalagang bagay diyan, gaya ng nalalapit na laban ni Manny Pacquiao, ang pagtakbo ni Derek Ramsey para sa Century Tuna, ang pinakabagong modelo ng Bench Body, ang mas masarap na sabaw, ang kaarawan ni Kris Aquino, o kung anu-ano pa.

Talagang mainit lang siguro. Dumaragdag pa rito ang init ng ulo ko. Masiyado na yatang mainitin ang ulo ko at hinihintay ko na lamang na tumaas ang aking alta-presyon, magsiputukan ang mga ugat ko, at magkaroon ng kawalan ng pagpigil sa sarili at magwala na lamang - maghubad sa pampublikong lugar, manigaw ng mga hindi kakilala, manipa ng basurahan, manabunot ng kalbo, magpunit ng mga diyaryo, magtapon ng tubig sa mukha ng kahit sino sabay sabi ng "You're nothing but a second rate trying hard, copycat! Pweh!", mangagat ng anit ng kakilala, atbp.


ARAL: Alam na. Kakaunti masiyado ang tubig sa aking katawan. Dala narin siguro ito ng sobrang pagkain.

Totoong Dahilan ng Pagsulat Nito: Sa dami ng gagawin para sa huling linggo ng klase, bigla akong tinamaan ng katams. Katams o ang sakit na tinatawag na katamaran. Wala itong lunas, parang kanser na tinatamaan ang kahit sino. Hindi nagagamot ng kape o kung anu-ano pang pampagising na inumin.
Totoong halimabawa: May kailangan akong ipasa mamaya pero ni hindi ko pa nababasa ang babasahin namin na ibinigay noong Biyernes. Ngayong linggo, makikita sa talatinigan katabi ng salitang TAMAD ang litrato ko. Mas uunahin ko pang basahin ang "Para Kay B" ni Ricky Lee kaysa sa aking mga babasahin sa klase.

No comments: