Thursday, November 04, 2010

Sinong Bobong?

Natatanaw ko ang blog ko. Iyon pa rin ang huling nakasulat. Tungkol pa rin sa Ayala Museum na parang kay tagal-tagal ko nang napuntahan. Nag-iisip ako, nagtatanong, bakit wala akong maisulat sa dinami-dami ng puwedeng magawan ng entry?

Kumatok ang ideya.... Nasaraduhan ko yata. Sa totoo lang, wala akong maisip na paksa. Wala paring tumatama sa akin hanggang ngayon na ginusto kong isulat. Total ito rin naman ang kasalukuyang binabasa ko, bakit hindi nalang tungkol kay Bob Ong?

Si Bob Ong.
Si Bob Ong na dahilan ng lahat ng ito.
Si Bob Ong na lagi akong tinatanong kung kamag-anak ko ba.
Si Bob Ong na palaisipan sa lahat kung sino talaga.
Si Bob Ong.
Oo, si Bob Ong.

Masaya, madali, masarap, parang chicharon. Ganyan ang pakiramdam kapag binuklat na ang libro ni Bob Ong at sinimulang basahin. Nahilig lang ako magbasa ng mga libro nang sunud-sunod gaya ng pagkain ng cornick noong nahawakan ko ang mga libro ni Bob Ong. Dahil BBO (counterpart ng BC or Before Christ, Before Bob Ong), hindi ako "consistent" magbasa. Puro textbook, magazines na wholesome, at dyaryo (hindi tabloid) ang idinuduldol ko sa mukha ko.

Iniba ni Bob Ong, naging kaaya-aya ang pagbabasa sa akin, kahit anong klaseng libro ay pinapatulan ko, may magpahiram lang or kung ano makita ko sa bookstore. Pero noong nauso na ang e-books, aha! Nakadikit na sa screen ng computer ang mata ko.

Pero ngayon, hindi ko alam kung nagbago ba ako o hindi, napansin ko lang na medyo pinipilit na lang ang mga bagay-bagay na maging nakatatawa at pati yung mga salita na madali naman sana i-type, gaya ng "siya" at "niya" na sa libro niyang Kapitan Sino ay nailathala nang "nya" at "sya". Kawawa naman ang titik I. Walang masamang nagawa ngunit nakalimutan. Sayang.

Sa pagbabasa, minsan nasasambit ko na lang, parang retarded lang eh noh, "Ah, dapat yata funny itong part na ito." Hindi na muna ako magco-comment kung ano meron sa Kapitan Sino, dahil sa pangangalahati ko sa libro, mukhang okay naman. Nakaayos pa nga sa bookshelf namin sa bahay ang mga libro ko ni Bob Ong. Naaalala ko dati na lagi akong hinihiraman ng "Bob Ong books" noon, pero hindi ko parin minarkahan ang "Bob Ong books" ko ng pangalan ko.


ARAL: Wala paring makatatalo sa pakiramdam ng pagbabasa, sa pagtingin sa mga salita sa libro, sa paglipat ng mga pahina, at lalo na sa paggalaw ng mga tauhan sa utak mo. Gamit na gamit ang imahinasyon mo at mas mabuti pa ito kaysa sa droga. (Wala akong sinabing nakasubok na ako ah.)

1 comment:

Apple said...

Namiss ko rin magbasa parekoy!:)) Pahiram during the Christmas break!