Bukod sa pagkapulot ko ng pera sa daanan, naalala ko rin yung panahon na nagsasanay kami para sa aming graduation. Paulit-ulit naming ginagawa yung mga kahindik-hindik na paglalakad, pagbibigkas ng speech, pagpalakpak nang sabay-sabay dahil kunwari ay nagsalita na ang panauhing pandangal. Makalipas ang mga 3 o 4 na araw ng nakasasawang gawain, ay sawa na rin ang mga guro namin sa pagsusuway sa mga maiingay na mag-aaral. Nakaupo kami sa mga upuan ng mga nursery students kasi nagpraktis din sila kanina. Tumapat ako sa may electric fan, mainit sa auditorium namin, at summer na rin kasi. Ito lang ah, ako ay may ibang sarili kapag nasa silid-aralan dati, magaling akong magpanggap na tahimik at nakikinig sa guro. Ako rin ang naaatasan ng teacher na magsulat ng noisy, o ha, inggit ka noh. Kadalasan ay ang aking kinakausap o binibigyan ng mga ginintuang aral ang napagdidiskitehan ng guro at sasabihan ng, “(ilagay ang pangalan ng aking katabi rito)! Masyado kang maingay! Isa pa at palalabasin na kita!” pero siyemre sa Ingles yun. Minsan ay naiinis na sa akin ang mga kaibigan ko, “Pano ka bang hindi nahuhuli?! Lagi nalang kami ang nakikita ng teacher!” sabay kunot ng noo. Ngingiti lang ako at bibigyan ko na lang sila ng kendi para bati na kami ulit. Epektib. Love na nila ako ulit kahit na ung Conduct grade nila ang nagdurusa.
Balik tayo sa tapat ng electric fan sa auditorium. Pinapagalitan ng aming assistant principal ang isang grupo ng mga estudyanteng hindi kumakanta nang maayos. (Nagsasanay kasi kami ng pagkanta habang nakaupo at nakatapat sa electric fan.) Nagulat ako sa aking katabi (kasi sa harap ako nakaupo at walang kausap bukod sa papel ng speech ko at isang electric fan), at chinika ko siya. (Parang magulo, ok, ganito, sa harap ako nakaupo at ngayon ay isinama ako sa mga kabatch ko kasi hindi pormal ang praktis noong araw na iyon, kumbaga graduation song lang naman kaya ganun.) Nakatutuwa, kilala niya ako. Sikat pala ako. Noong panahon na yun, naglalaban na ang aking sarili, ang sarili kong mahilig makipagkaibigan, at sarili kong hindi pa nahuhuli ng guro dahil sa pakikipagkwentuhan. Naisip ko tapos na ang mga marka namin, kahit siguro magtumbling ako at magbreakdance sa harap ay hindi na nila mabababa ang conduct grade kong hindi makatao sa taas. Kaso, ayoko ng pinapagalitan, lalo na’t malapit na ang graduation at baka masira ang record ko na “hindi pa napapagalitan kasi tahimik, EVER.” Sige, hindi nalang siguro ako masyadong mag-iingay, tahimik naman talaga ako eh. Oo, tahimik ako. Tama, tahimik nga ako. Tumpak, tahimik nga talaga ako.
Alam niyo naman na bionic ang mga teachers, lalo na ang mga principal. Kahit kalahating kilometro ay nakakakita sila nang malinaw, at nakaririnig nang husto. Akala ko nga dati na superhuman sila. Siguro nga totoo yun. Dahil habang nakikipag-usap ako sa aking katabi, pinaglalaruan ko yung maliit na upuan namin, rocking the chair ika nga ay nagulat nalang ako nang biglang tumahimik ang auditorium mula sa sintunadong pagkanta ng aking mga kabatch. Nakita ko nalang na nakatingin sakin yung aming assistant principal na may mukhang hindi ko malaman kung masaya, naiinis, masakit ang tiyan, o kung ano man. Nanlilisik ang mga mata niya, nireregla ba siya? Hindi ko alam. Basta ang alam ko ay tinuro na niya ako at napakagat ako ng labi. Hindi ko alam kung ituturo ko ang aking bagong kaibigan at sasabihin na siya yung may kasalanan sa pag-disrupt sa napakagandang pag-awit ng aming batch. Kaso masama yun at hinding hindi ko gagawin yun, hindi nga sumagi sa isip ko na ituro ang iba eh. Siniko lang ako ng katabi ko kaya naisip ko yun.
Nagmouth ako ng “What?” habang nagpupunas ng pawis kahit wala naman talaga at naisip kong nagkamali lang ang assistant principal namin sa pagsuspetsang ako ang nanggugulo sa praktis. Hello. Ako pa, ay em a diligent student, ako nga yata ang role model eh (walang kokontra). Tinuturo parin niya ako habang ung isang kamay niya ay nasa baywang niya at lukut na lukot na ang mukha niya sa pagkakakunot, siyempre inisip ko yung katabi ko lang yung dinuduro niya. Kaso nung sinabi na niyang, “Ruth! Of all the people… Kaw pa!” ay alam kong ako na yun. Pinangalanan na niya ako. Of all the people, ako pa raw. Doon ko lang yata narinig nag-Tagalog yung assistant principal namin. Dapat tahimik na ang lahat noon, kaso yung mga kaibigan ko, sumigaw ng “yes!” at masayang masaya. Sa wakas, nahuli na rin daw ako. Mga bruho at bruha, sumigaw ba naman, eh di sila yung pinagalitan. Pero masaya pa rin sila, revenge raw. Hindi ko inaamin ‘yung pangyayaring iyon, sabi ko panaginip lang nila ‘yun, hindi totoo. Pero dahil pinangalanan na ako, kumain nalang ako ng kendi, para bati na kami ng sarili ko. Kainis. Of all the people raw ako pa, kitams, sikat ako. Wala eh, mahirap maging mabait at role model. Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon, kasi kinabukasan graduation na namin.
ARAL: Mahirap maging role model. ‘Yun lang. Nagdadala pa rin ako ng kendi palagi. Parang habit ko na siya para pag may problema ako sa ibang tao, bibigyan ko na lang siya ng kendi para bati na kami ulit. Puwede ring babol gam para maiba, kaso wala nang lasa iyon kapag tumagal at parang ngumunguya ka lang ng goma. (hindi ko pa naman naranasan ngumuya ng goma, pero sa tingin ko ganun na rin iyon.)
1 comment:
aawayin nalang kita palagi. nagugutom kasi ako wala kasi tayong breaks e. yes! libreng candy. yahooo...=)
Post a Comment