Tuesday, April 17, 2007

Ube sa Kalye

Ako ay na-inspire sa sinabi ng aking guro sa Filipino kahapon, kaya medyo Filipino ang gagamitin ko. Oo, kasalukuyan ay dumadalo ako sa tag-araw na klase hindi dahil may bagsak ako, kundi dahil ito ay kailangan. Ewan ko ba, sana ay isiniksik nalang yung dalawang asignatura sa mga sems para sana ay matiwasay ang buhay ko ngayon. Lahat ng aking mga kaibigan ay walang mga pasok, dahil pinagdusahan na nila ang mga ito habang ako’y naglalakad na pauwi mula sa pamantasan. Maaga ako umuuwi dati, akala ko ay ok yun. Hindi pala. Isang malaking HINDI. Nagkamali ako, mas maganda pala kung mas maaga ko nang natapos ang Fil12 at SA21. Una, mas magastos, kasi magbabayad pa ako para sa mga klaseng tag-araw. Pangalawa, wala na akong tinatawag na “summer life” dahil arawan ang pagpasok ko. Pangatlo, inis na inis ako, kasi dapat ay nasa ibang lugar na ako at nagsisisipa o di kaya’y hinahataw ang bola ng tennis o di kaya’y tumatakbo lang na akalay mo’y kasali ako sa track and field. Naiinis parin ako, kaya sisimulan ko nalang ulit ang “entry” na ito.

May sinabi ang aking guro kahapon na mayroon daw na iba’t ibang “tayo”. Hindi ito tumutukoy sa relasyon ng mga nag-iibigan. Whatever. Ibang sarili natin ang pinapakita natin o ginagampanan natin kapag kasama natin ang ating mga pinagnanasahan nang palihim (crush yata tawag dito, hindi ko lang alam pano ipahayag sa Filipino, whatever). Iba rin ang ipinapakita natin kapag tayo ay nasa silid-aralan at sa iba pang lugar at setting. Nasabi rin niya na nagkakaroon na ng problema kapag naglalaban-laban ang mga sarili nating ito. Ang halimbawa niya ay kung ika’y musikero at sa una niyong gig ay araw din ng finals niyo sa Math. Anong sarili mo ang mananaig? (wow, parang forces of good versus evil, Sino/Ano ang mananaig?) O diba, problema nga iyan!

Nung nasabi niya iyon, iniisip ko tuloy kung kailan naglalaban-laban ang aking sarili. Hmm, puwede rin nung gusto kong kunin yung nalaglag na pera sa daan. “Wow may libreng isang daan!” Kukunin ko ba ito nang hindi hinahanap ang may-ari o- “Ohmagash, may nakalaglag ng pera nila! Dapat mahanap ko ang may ari nito, baka nasa barko na siya ngayon! O hindi!” Naglalaban nga ang aking sarili. Pero dahil ako ay tapat, inalam ko muna kung sino ang may ari. Tiningnan ko ang pera, naisip ko na kung kanino man yun ay dapat ilalagay niya yung pangalan niya. Manuel A. Roxas. Eh wala akong kilalang Manuel Roxas sa paligid, at makalipas ang 5 segundo, sumuko na ako sa paghahanap. Inisip ko nalang na tadhana ko ang makapulot ng salapi. Tuwang-tuwa akong umuwi sa bahay at pinagyayabang ko na nakapulot ako ng pera. Masama pala maging hambog. Dahil nalaman ng mga tao sa bahay, at malamang pati kapitbahay namin, pinilit nila akong manlibre ng ice cream. Hindi raw popsicle o ice drop, ayaw nila nun. Naglalaban na naman ang aking sarili. Itatakas ko ba ang isang daan ko sa paraang pagkukulong sa kwarto hanggang makalimutan nila, o susuko ako at sundin ang hiling ng mga mababait kong kasama sa bahay? Sa totoo lang, wala akong choice, kasi pag nagkulong ako, magugutom ako, bababa at maghahanap ng pagkain. Ang mangyayari run eh sisimangutan nila ako na akala mo’y kontrabida ako, at baka may bumulong pa nang malakas (sinasadya naman) na “bumili ka ng pagkain mo.” Mabait nga sila, naisip ko. Nagpabili na lang ako ng ice cream, cookies and cream pa yata, nagdagdag pa ako para mas madami ang mabili. Para masaya ang lahat, maliban sa nakahulog ng pera.


ARAL: Huwag ipagkakalat na may pera ka. Magpapalibre ang mga tao sa iyo nang lubusan at baka tawagin kang madamot kapag hindi ka pumayag. Lalo na pag nakapulot ka lang ng pera, kokonsensiyahin ka nila hanggang hindi mo na masikmura ang mga pinagsasabi nila. Pati kasalanan ng mga nakakulong at mga mastermind sa mga pagsabog sa mga mall ay isisisi sayo. Malungkot diba? Ayoko talagang pumasok. Idagdag mo pa na mainit ang panahon. Utang na loob.

No comments: